March 27, 2007
(NOTE: Ito ay isa sa mga "CRAMMING" qng ginawa kaya't wak niyOng asahan nah maGanda tOh. Wak nyO nah diNg pansinin aNg mgA grAmmAticaL errOrs q kxE wLa nah tLaga kOng timE prA i-prOofreAd pAh tOh. Gusto pati ng prOf q eh infOrmaL.. keA his wish is my coMmand! whOo.. Any viOlent commeNt/s will be entertained by the auThOr... awaY taU.. babatUkan kita! hehehh..^_^ enjOy reading.. lhAt ng kLoqhan q eh mabibisTo nYo ditO.. excitiNg bAh? hehehh.. ewAn.. amF..)
AKO BA ITO?
Sadyang nakakasilaw ang sikat ng araw mula sa bintana ng aking payak na kuwarto. Tanging sobrang liwanag lamang ang naaaninag ng aking mata. Tila nananadyang gisingin ako. Kailangan ko na raw bumangon at harapin ang panibagong araw na puno ng iba’t- ibang hamon na susubok sa aking pasensya at katatagan. Isang kaaya-ayang simula ito na nag-iimbita sa aking ngumiti at simulan ang aking araw sa pag-iisip ng masasayang mga bagay sa kabila ng mga gawain ko. Masarap isiping maraming oportunidad ang haharap sa aking araw ngayon. At nakahanda akong kamtin ang lahat ng ito. Kahit na nakakaubos ng pasensya ang init ng araw at pagod, dapat lang na maging cool ako. (Ayan ang positibong Cherry!) Subalit teka lang… hmmm… parang my kailangan akong gawin na hindi ko pa nasisimulan ahh! (isip… isip… isip… wala na naman ako sa aking katinuan…) Ang tanging natatandaan ko ay mahalagang masimulan at matapos ko na ito. Gawaing bahay ba ito? Hindi. Acads? Oo. Major ko ba? Mukang hindi. GE? Teka lang ulit… OO!!... Tama!... Tumpak!... Mahusay!... Yung TALAMBUHAY ko sa Kas 1!!! =( (Shocks! 20 pages yun!) Teka, di ko malaman ang una kong gagawin. (Relax lang Cherry!) Ahh… basta! Mukhang nangangamoy CRAMMING na naman ito ahh… (Huhuhh… Lagot!) Hindi maaari ang “bahala na” dito. Dapat lamang simulan ko na ito. Takbo!!...
Dali-dali akong bumangon, at nag-ayos ng sarili. Kumain ng almusal upang may laman ang tiyan at siyempre pati na ang utak. Para gumana, ika nga nila at kailangang may lakas din. Nakatawag- pansin sa akin ang aking mga lumang photo albums. Nakatutuwang pagmadan ang mga litrato ko nung bata pa. Lalo na nung bagong panganak pa lamang ako. At dito na nga magsisimula ang makulay na kabanata ng buhay ko. Isang dilag na hinahamon ng pagkakataon sa tuwi- tuwina.
KABANATA 1: Patak ng Ulan at Tangis ng Sanggol
Iba ang simoy ng hangin. May kalamigan ang bawat ihip at hampas nito sa mga mamamayan ng Maynila lalo na sa nagdadalang-taong si Gng. Josefina Privado. Tila nagbabadya ang isang malakas na ulan. Wala mang bagyong nabalita, ninais pa rin niyang maging handa sa mangyayari kaya’t kasama ang kanyang kabiyak na si G. Rolando Privado, nagtungo sila sa ospital ng UST sa may Dapitan. Walang nais ang ina kung hindi mailuwal niya ang kaniyang anak na ligtas at malusog. Buwan noon ng Agosto at dalawang araw na lamang ay sasapit na naman ang Septiyembre. Talagang dama na rin ng lahat ang simoy ng pasko kahit sa ganitong kaagang panahon.
Nakangiting bilin ng doktora sa kanya na mas makabubuting tumigil na lamang siya sa loob ng ospital habang di maipinta ang panahon sa labas, upang maging maayos ang kalabasan ng lahat. Malapit na raw niyang ipanganak ang unang anghel sa kanilang pamilya wika ng doktora. Anong galak ng mag-asawa ng maulinigan ang mga katagang ito. At tulad ng payo ng doktora, tumigil pansamantala ang ginang sa ospital habang hinhintay ang takdang oras ng kanyang pag-anak.
Gabi ng ika-31 ng Agosto. Wala kang maririnig kung hindi ang nakabibinging ingay sa labas ng malalaking patak ng ulan. Maging ang loob ng ospital ay pinasok na rin nhg mataas na tubig-baha. Subalit lahat ng tao sa loob nito’y nanatiling panatag. Tunay ngang makasasama sa nagdadalang-tao ang manatiling nasa labas ng ospital sa ganitong kalagayan. Tama ang naging desisyon ng mag-asawa. Sa tagpong ito, lahat sila ay kinakabahan sa bawat mangyayari. Nasa loob na ng delivery room si Gng. Josie. Napakaingat ng bawat galaw ng doktora. Isang maling kilos ay nakasalalay ang kaligtasan ng mag-ina. Ika nga, nasa hukay raw ang kabilang paa ng ina sa ganitong pangyayari. Naisin man ng kahit sinong tumulong, tanging ang doktora at katatagan ng ina ang magdadala sa katagumpayan ng operasyon. Lahat ay nakaabang sa mga posibleng mangyari.
Matagal rin ang kanilang naging paghihintay. Unang araw ng Septiyembre, 1990, sa dakong alas dos ng madaling araw, tila nangibabaw ang tangis at iyak ng isang babaeng sanggol. Hudyat ng isang tagumpay na operasyon. Isang maputi at napakalusog na anghel ang sumalubong sa kanila. Tunay ngang di mapapantayan ang kaligayahan ng bawat isa. Ang kanyang ama ang nagbigay sa kanya ng ngalan. Tinawag siyang Cherry Anne, isang banyaga at makabagong pangalan. Imahe ng isang mayumi at inosenteng babae. Naging maganda ang araw na ito para sa lahat lalo na sa sanggol na nabigyan ng isang makabuluhang buhay. Ang sanggol na nagbibigay pag-asa sa kanila. Ang sanngol na pinaniniwalaan nilang tutupad sa kanilang mga pangarap at mithiin. Ang sanggol na haharap sa iba’t- ibang pagsubok.
Haay…! Buhay! Parang life… hehehh. Nakakatuwang isiping ganito ang istorya ng aking pagkapanganak. Malakas ang ulan at baha pa!. Kaya nga sa tuwing inaasar ako ng aking tita, tumatahimik na lamang ako. (sabay hmmp.. hehehh) Malamang daw ay naapektuhan ang utak ko ng ulan at baha kaya daw ganito ako kapraning. Isa pang pinag-aasar sa akin ay ang aking dapat na pangalan. “Jolan”. Oo, dapat daw ay Jolan ang pangalan ko mula sa “Josie” at “Rolan”. (hmm… mas gusto ko naman ang Cherry!) Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung san nagmula ang buo kong pangalan. (Siyempre sa prutas yung “Cherry”..hehehh) Niloloko nila ako pati na ang mama ko na nagmula daw ito sa dating pangalan ng girlfriend ng papa ko. (Anyway, wla akong pakialam. Hehehh..) Maliksi daw ako nung bata ako. Madali akong natuto ng mga salita. (Medyo madaldal… hehehh.. hanggang ngayon) Kalbo din po ako. Mukha daw akong lalaki. (hmmp!) Kaya pinahikawan nila ako kaagad upang marecognized na babae ako. Isa sa naging nakakatuwang karanasan ko raw nung bata ako ay ang aking binyag. Ano kayang nangyari ng mga panahon na iyon? Kuwento ng mama ko, ganito…
KABANATA 2: Yakap mula sa Taas
Tirik ang araw noon. Wala kang madarama kung hindi ang nakapapasong init ng sikat nito. Pawang lahat ng tao sa simbahan ay iniinda ang pagod nila matapos lamang ng matiwasay ang seremonya. Panahon nga naman ng kainitan, ika-6 ng Mayo, 1991. Tinawag na ang mga magulang ng bibinyagang babae. Walong buwan na ang bata sa tagpong iyon. May kalikutan at hindi maaawat, isang magandang imahe ng malusog na pangangatawan ng bata. Matagumpay namang nabasbasan ng pari at tinanggap sa mundong kristiyano ang walang kamuwang-muwang na paslit. Isa itong panibagong kaganapan sa kanyang buhay. Lalo siyang napalapit sa kandungan ng maylikha. Samantala, nagkaroon rin siya ng tatlong pares ng pangalawang magulang na pinangakong gagabay sa kanyang paglaki. Wika nila, isang oportunidad ang mapabilang sa mga pangalawang magulang ng paslit dahil para sa kanila ay katangi-tangi ang ito kumpara sa iba. Naniniwala silang siya ang makapagbibigay ngiti sa kanila sa mga panahon ng kalungkutan. Ang batang babae, kahit hindi lubusang naiitindihan ang pinag-uusapan ng mga matatanda ay tila nakikiayon sa mga sinasabi. Para bang ipinapangako niya na hindi niya bibiguin ang kaniyang mga magulang pati na ang mga panibagong magulang. Pagkaraan ng seremonya sa Holy Trinity Parish Church sa Maynila, dumiretso ang lahat sa isang maliit na salu-salong hinanda ng mga kaanak ng bata sa kanilang tahanan sa Sampaloc. Mararamdamang ang bawat isa ay may kasiyahan sa kanilang mga mukha noong araw na iyon. Isa itong mahalagang kaganapan kaya't dapat lamang ay ikasaya.
Samantala, kapansin- pansin sa paslit ang isang pulang tatsulok na laging nakakabit sa kanyang mga damit na isinusuot. Mula raw ito sa isang kaibigan ng kanyang ina, isang regalo para sa kaligtasan niya. Ayon sa paniniwala ng nasabing kaibigan, ito raw ay anting- anting upang maiwasan ang “usog”. Matandang paniniwala na nga ito, subalit patuloy pa ring sinusunod. Wika nga ng kanyang ina, “Wala namang mawawala kung susunod tayo, pero dapat ay nasa atin pa rin ang gabay ng Panginoon.”
Ahhm... tanging naaalala ko na kuwento sa akin ng aking mama ay ang kalikutan ko ng mga panahong yoon. Binyag ko na daw ay hindi pa ako mahagilap. Opo. 8 months ay nagtatatakbo na daw po ako. Biro pa nga daw ng Ninong Willy ko ay, “Tingnan nyo yung pabibinyagan natin oh, matanda na! Nagtatatakbo na! Parang hindi na baby.” (Hehehh.. talagang ganun Ninong!) Hindi ko man maalala ang kabuuang detalye, naniniwala naman akong naging masayang parte ng buhay ko ang aking binyag.
Ukol naman sa amulet na binigay raw sa akin, hanggang ngayon ay nakatago pa rin ito kay mama. Kung ako ang tatanungin, hindi ako masyadong naniniwala sa mg “usog” subalit tulad nga ng sabi ni mama, wala namang masama kung tayo ay maniniwala. Pero promise! Hehehh.. Hindi ko na naman po ito sinusuot. (ayoko ngang magmukahang praning! Hehehh..) Nakakatuwang isipin na sa munting paraan na tulad nito ay pinapahalagahan nila ang kalusugan at kaligtasan ko noong bata.
Oo nga pala, masabi ko lang. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako nakukumpilan! (Haay... sana this summer..) Hindi kasi maasikaso at lagi na lamang maraming gawaing dapat unahin bago iyon. Natatawa nalang ako pag naaalala ko ang bagay na ito. Hindi pa ako pwedeng ikasal! (yehey! Hahahh.. joke!) Ayon ito sa batas ng simbahang Katoliko. Pero napuno naman ako ng pag-asa noong malaman kong my mga karamay ako. (hehehh.. damay- damay na to!) Mga kapwa ko kaibigan ay hindi pa rin pala nakukumpilan. Karaniwang kinukumpilan ang mga teenagers na edad 12-14. Subalit ako? Hahahh... Malapit ng maging 17 eh hindi ko pa nararanasan ang seremonyang iyon. Ayon sa aking nanay, (lola ko siya, tawag ko lang ay nanay), may pagkakataon kaming magkaroon ulit ng panibagong pangalawang magulang. (yehey ulit! Ninang at ninong sa pasko! Hehehh..) Ano pa kaya ang mga paniniwalang hindi ko nararanasan? Sagala? Santacruzan? Naranasan ko na yan!..
KABANATA 3: Arko ng mga Bulaklak
Lumaking kaakit- akit para sa kanyang mga magulang ang batang babae. Ang ngiti niya ay napakamisteryosa para sa kanila. Ang malaporselanang kutis nito ay nakakaagaw pansin sa karamihan. Kala nila, isa siyang amerikana. Subalit ayon sa kanyang lola, na butihing ina ng kanyang ama, nasa lahi raw nila ang mapuputi. At kapansin- pansin nga naman ito dahil namana ng bata ang kulay nito sa kanyang ama. Kastila raw ang dugong nananalaytay sa kanila. “Privado”. Halata rin naman sa kanilang apelyido.
Buwan ng Mayo noon ika-5, 1994, panahon ng pagsibol ng makukulay at mababangong flora. Kasabay nito ay ang mga nauusong “Santacruzan” at “Sagala”. Isang karangalan ang mapabilang sa pila ng mga naggagandahang dilag at batang kababaihan na kasali rito. Kaya naman tunay ang kagalakan ng kanyang lola at ina ng imbitahin ang paslit sa isang Santacruzan. Agad- agad nilang ipinakulot ang bata at hinanapan ng kaaya-ayang gown na kakasya sa kanya. Ang lahat ay halatang nasabik sa pinakaabangang pangyayari.
Isang payapang gabi iyon sa kanilang lugar subalit ng malamang daraan na ang Santacruzan sa my labasan ay tila nabaliktad ito. Nais nilang makitang lumakad at damhin ng bata ang kanyang gabi. Hindi man siya ang pinakang- atraksyon dito, para sa kapamilya niya ay siya ang naiiba at namumukod- tangi ang kagandahan. Tunay nga namang hindi rin maalis ang ngiti ng sa mukha ng bata noon. Tila naiintindihan niya nag kaganapan. Makikitang dalawa ang kanyang kapareha, at siya ay napapagitnaan ng mga ito. Suot-suot ang isang puting gown, tila isa siyang anghel sa gabing iyon. Masaya namang nanonood ang lahat sa kanyang pagdaan sa harapan ng kanilang tahanan. Maipagmamalaki nga namang lubusan ng kanyang mga magulang ang di- makakalimutang kaganapang iyon sa buhay ng kanilang panganay.
Kapag nakikita ko ang mga pictures ko noong Santacruzang iyon, natatahimik talaga ako. (pasaway sila nanay at mama, ginagawa akong manika!) Binibihisan ng kung anu-ano, minamake-upan, at higit sa lahat, pinakulot ako! (nkoow.. kung maitim lang ako, para naman talaga akong Aeta eh!) Sana lang nakakapagreklamo na ako noong mga panahong iyon. (hehehh.. magrereklamo talaga ako!) Buti na lang talaga bata pa ako noon at hindi ko pa ramdam ang “hiya”. Natutuwa na rin ako na nakasali ako sa isang ganun.
Naitanong ko din kay nanay kung bakit dalawa ang partner ko, at ayon sa kanya, yoong mga anak- anak ng kanyang mga kumare raw kasi ay pinag- aagawan ako maging kapareha. Tsaka nais ng kanyang mga kumare na yoong anak nila ang makapareha ko raw, kaya't ang ginawa nila, dalawa nalang ang pinartner sa 'kin. (ngek! Parang lokohan lang at toh ahh.. hehehh.. mga pasaway na bata).
Napakaraming aktibidad ang nasalihan ko ng dahil sa pang-uudyok nila nanay at mama. Lalo na noong pumasok na ako sa kindergarten. Tuwang- tuwa silang pinaglalaruan ako. (hehehh.. pano kasi, unang babae). At wala naman akong magawa kung hindi sumunod at ngumiti sa bawat flash ng camera na itinututok sa akin. Haay.. ang saya ng aking kabataan! Tunay ngang di- mapapantayan ng kahit ano man. Naalala ko tuloy noong kinder nga ako...
KABANATA 4: Kahinaa’y Maibsan
Mag-aanim na taong gulang pa lamang ang batang babae ng siya’y unang sumabak sa malawak na mundo ng pag-aaral. Ipinasok siya ng kanyang ina sa isang pribadong kindergarten malapit sa kanilang tahanan sa Balic-Balic, Sampaloc, Maynila. Hindi pa kamahalan ang bayad sa pag-aaral noon kaya’t nasusustentuhan ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral. Hindi sila naghahangad sa bata ng mga parangal, tanging nais nila ay matuto ito ng wastong pagbasa at pagsulat gayun din ang mabuting asal. Sapat na raw ito upang mapalitan ang kanilang paghihirap sa pagkayod. Ganyan nila kamahal ang bata. Subalit ikinagulat nila ang mga sumunod na pangyayari.
Naging aktibo ang bata sa iba’t- ibang aktibidad at palatuntunan sa kaniyang paaralan. Hinrang siyang Ms. Cambodia sa paggunita ng United Nations. Lubhang kaakit-akit siya sa kanyang rosas na kasuotan. Nangibabaw ang kanyang maputi at makinis na balat. Isa rin siya sa mga gumanap na anghel sa kanilang pagsasadula sa pagsilang ni Kristo noong Christmas Party nila. Kapansin-pansinn siya sa kanyang puting kasuotan na may ginawa’t pinagpagurang pakpak na mula sa malambot at mapuputing balahibo. Lahat ng ito’y sinuportahan ng kanyang magulang. Tunay ang kanilang ligaya sa tuwing nakikita ang batang lumalaking may magandang karanasan.
Isa pang hindi malilimutang aktibidad na kanyang nilahukan ay ang “Prinsipe at Prinsesita”. Nanalo siya bilang “Prinsesita ng Kaligayahan”. Ang makintab na kulay rosas niyang gown ay tunay ngang bagay at sakto sa kanyang pigura. Kasama ang kanyang kapareha at ang iba pang nanalo sa patimpalak, nag-ikot at pumarada sila sa kanilang barangay upang makita ng lahat ang naiibang kagandahan ng mga batang kalahok. Isa itong hindi matatawarang karanasan para sa batang babae. At tulad ng dati, lalo pang ipinakita ng kanyang mga magulang at kaanak ang suporta nila sa kanya sa tuwing may mga kaganapang tulad nito.
Talagang natutuwa ako kapag nakikita ko ang aking mga larawan noong kindergarten. Akalain mo, active ako noon! (Hehehh... parang di ka makapaniwala ahh..) Likas sa akin ang pagiging mahiyain noong una. Tanging ginagawa ko lamang sa klase dati ay makinig sa guro at manahimik. Subalit salamat na lamang sa aking mga magulang na hindi nagsawa sa pagpapatnubay nila kaya’t unti-unti ko itong naibsan.
Isa pang achievement ko noon ay ang mahirang na Salutatorian ng aming klase. Hindi ko man lubusang matandaan ang mga pinaggagagawa ko noon para mabigyan ng karangalang ganoong kataas ay ipinagmamalaki ko naman ito. (Alam nyo kasi parang nasobrahan na ata ang kawalan ko ng “hiya” noong huli kaya’t napapatayo na ako sa likod ng aming classroom ng dahil sa kalikutan… hahahh!! Secret lang un!) Tulad ng dati, tuwang- tuwa ang aking mga kapamilya (at kapuso siyempre!) sa karangalang aking natanggap. Ako rin ang hinirang na Best in Writing. Ano naman kayang mga pangyayari ang naganap sa aking elementarya? Heto at isisiwalat ko na…
KABANATA 5: Haplos ng Kaalaman
Don Benito Legarda Elementary School. Isang pampublikong paaralan sa may Fajardo St. sa Maynila. Dito ganap na nahubog ang kaalamang intelektuwal at moral ng batang babae. Hindi naging madali ang simula niya rito sapagkat isang mas malawak na mundo na ng pagbabasa’t pagsususlat ang kanyang hinarap. Mataas ang kalidad ng edukasyon sa nasabing paaralan kaya’t mataas rin ang inaasahan nila sa mga magsisipasok na kabataan. Subalit dahil na rin sa suporta ng mga tao sa kanyang paligid, naging maganda ang una at ikalawang taon niya rito. Nakatanggap siya ng mga akademikong parangal at patuloy niyang pinatutunayang mayroon siyang talino na patuloy pang mahahasa sa paglipas ng mga taon.
Isang napakahabang taon para sa kanya ang ikatlong baitang niya sa elementarya. Maraming mga pangyayari ang naganap dito na nagbigay kulay sa buhay elementarya niya tulad na lamang ng paglahok niya sa mga paligsahan. Marami rin siyang nauwing medalya, katumbas nito ang kanyang hirap na pinagdaanan sa pagseseryoso sa pag-aaral. Subalit hindi rin naman maiiwasan ang pagkatalo paminsan-minsan, dito nabuo sa kanyang isipan na hindi lahat ng bagay ay ating makakamit kung nanaisin lamang – dapat lamang itong pinaghihirapan. Ito rin ang nagmulat sa kanya na patuloy na lumaban sa kabila ng pagkalugmok, dahil maaaring sa susunod mas kaaya- ayang ihip ng hangin ang kanyang matamo.
Halos siyam na taong gulang na ang batang babae noon. Subalit bumagay naman sa kanya ang suot-suot na kimona at patadyong noong Agosto 30, 1999. Isa kasing kaugalian sa kanilang paaralan na sa tuwing idaraos ang Linggo ng Wika, bawat mag-aaral ay papasok ng nakapang-Filipinianang kasuotan. May palatuntunang isinasagawa kaugnay nito at minsan na rin siyang napasama sa mga naghandog ng katutubong sayaw.
Isa pang kaganapang hindi dapat isantabi ay nang matanggap niya ang kanyang unang kumonyon. Ito ay noong ika- 7 ng Marso, 2000. Isang katuparan para sa tulad niya ang mas mapalapit sa Maykapal at mabawasan ang kasalanan. Dahil na rin ditto ay naging aktibo siya sa mga organisasyong pang-espiritwal tulad ng Legion of Mary. Para sa kanya, dapat lamang ibalik sa Panginoon ang papuri’t pasasalamat dahil sa kanyang mga biyayayng natatanggap.
Patuloy ang pagpapamalas ng batang babae ng kanyang kahusayan sa akademiko. At isang hamon ang kanyang tinanggap ng subukan niyang kumuha ng pagsusulit para sa Accelerated Class. At tulad ng inaasahan ng kanyang mga kamag-aral, nakapasa siya rito at hindi na tinuntungan ang ikaapat na baitang. Sa mura niyang edad ay kinuha niya ang ikalimang baitang matapos ang ikatlo. Sa kanilang klase, higit na mas matatalino at may talento sa kanya ang kanyang mga kamag-aral. Subalit nangibabaw pa rin ang kanyang determinasyon kaya’t hinirang pa rin siyang First Honorable Mention sa kanilang pagtatapos sa elementarya. Naniniwala ang kanyang mga kamag-aral sa kanya na sa darating na panahon, mas mataas pa kaysa doon ang kanyang maabot.
Nakalulungkot talagang isipin na kailangan na nilang maghiwa-hiwalay ng destinasyong tatahakin para sa hayskul. Panibagong pakikipagsapalaran na naman na kailangang mapagtagumpayan. Sinubukan nila ang kanilang kapalaran sa Manila Science High School, subalit dalawa lamang sa kanila ang pinalad na makapasa at kabilang nga siya rito. Maituturing na nga siyang registered Mascian dahil lahat ng kailangang mga dokumento ay naisumite na sa paaralang iyon, subalit tunay ngang mapaglaro ang kapalaran. Kinailangan niyang bitiwan ang puwesto. Isa itong napakahirap na desisyon para sa mura niyang isipan subalit pinili niyang gawin ang nararapat. Kailangan na kasing lumipat ng kaniyang pamilya sa Cabuyao, Laguna kaya’t ang pag-aaral niya sa Maynila ay tunay na tinutulan ng kanyang pamilya. Para sa kanila, hindi ligtas ang magulong lungsod para sa musmos na tulad niya. Inaalala rin nila ang kanyang kalusugan. Pikit mata siyang nagpaalam sa pangarap niyang paaralan subalit sinabi niya rin sa sarili na maaaring may nakalaang ibang landas para sa kanya.
Kapag natatandaan ko talaga ang pag-aaway namin ni mama sa pag-give up ko ng slot ko sa Masci, parang gusto kong umiyak ulit (haay!!.. regrets… shocks..) Sana hindi ako nahihirapan ng ganito ngayon sa math… Sana kabatch ko si Evangeline… Sana maaga akong naging independent… blah… blah… blah… Pero hello? Ano pa bang magagawa ko? Past is Past. Nangyari na ang nangyari. Wala dapat akong pagsisihan. Tama. Dahil naging maganda naman ang buhay hayskul ko sa Laguna. Tumpak. Hindi ko ipagpapalit ang mga naranasan ko habang nag-aaral ako doon. Maaring hindi ko man tinahak ang ninais kong landas, dinala naman ako ng kapalaran ko sa isang mas exciting part. Gusto niyo bang malaman ang mga karanasan ko habang nasa hayskul? Narito…
KABANATA 6: Landas ng Kasiyahan
Bago para sa kanyang pandinig ang Cabuyao, Laguna. Dito sila maninirahan sa mga susunod na taon dahil dito nakatagpo ng lupa at bahay ang kanyang tiyahin na sumusuporta sa kanilang pamilya. Siya ang kanilang sinasandalan tuwing oras ng kagipitan kaya’t ng bigyan ng sila nito ng pagkakataon na magkaroon ng sariling tahanan sa isang subdibisyon, hindi na ito pinalagpas ng kaniyang mga magulang at lola. Mula sa magulong mundo ng lungsod ay kinailangan nilang makipagsapalaran sa payak na probinsiya. Dito na rin nakahanap ang batang babae (na isa na ngayong dalagita) ng paaralang mapapasukan para sa hayskul.
Gulod National High School – isang payak na paaaralang makikita sa barangay ng Gulod, Cabuyao, Laguna. Tunay ngang hindi ito kasing prestihiyoso kumpara sa paaralang dapat niyang papasukan subalit maganda rin naman ang kalidad ng edukasyon. Dito niya natutunan ang iba’t-ibang bagay na hindi mapag-aaralan sa lungsod. Dito rin niya napagtanto na ang buhay ay hindi kasing dali ng kanyang inaasahan. Higit sa lahat, dito niya natagpuan ang mga kaibigang dadamay sa kanya sa oras ng kasiyahan at kalungkutan.
Unang araw noon ng klase, unang taon ng hayskul. Hindi niya pa suot-suot ang unipormeng nila dahil maaari namang hindi pa ito isuot. Simpleng imahe ng dalagitang taga-lungsod – iyon ang makikita mo sa kanya. Nakapalda at blusa kaya’t lahat ng napapadaan ay napapatingin sa kanya. Makikita mo rin ang kaibahan ng kanyang kulay na namumukod tangi sa iba. Masasabing isa siyang magandang ehemplo. Noong una ay lagi siyang nag-iisa sa sulok subalit ng makatagpo na siya ng mga kaibigan ay lalo niyang naipakita na angat siya sa iba. Subalit sa kabila nito ay nanatili siyang nakatapak sa lupa.
Dito rin niya naranasan ang unang paglabas niya sa eskwelahan upang umattend ng mga seminaryo at patimpalak na ginaganap karaniwan sa malalayong lugar at sa dalawa o tatlong araw. Dati rati’y hindi siya pinapayagan ng kanyang mga magulang sa mga tulad nitong kompetisyon dahil na rin sa panganib sa kanyang kalusugan. Isa nga siyang asthmatic, subalit hindi ito naging hadlang sa mga nais niyang gawin at salihan. Isa sa mga sinalihan niyang tumatak at hindi niya makakalimutan ay ang mga Press Conferences ng Campus Journalism. Hinirang siyang editor in chief ng kanilang pahayagang The Voice.
Naging kaaya-aya ang unang taon niya dito. Tinanghal siyang First Honor sa kanyang klase dahil na rin sa pagsisikap niyang makuha ito. Nakakatuwa ring isipin na mula ikalawa hanggang ikaapat na taon ay napanatili niya ang kanyang puwesto. Nakamit niya ang pinakamataas na parangal, ang dati niya pang minimithi, ang maging Valedictorian ng kanilang batch. Masasabing hindi rin ganoong kadali ang pagkamit niya sa karangalang ito dahil marami rin siyang naging kakumpetensiya. Subalit tulad ng dati, ang dalagitang ito ay hindi mo kaagad mapapasuko sa laban kaya’t karapat- dapat lamang sa kanya ang puwestong nakamit.
Isa pang humamon sa kanyang pagsisikap at talino ay ang UPCAT. Oo. Nagbakasakali siyang makakapasa rito at makakapasok sa isang napakataas na pamantasan, ang Unibersidad ng Pilipinas. Kahit sino ay nais makapasok sa prestihiyosong pamantasang ito dahil bukod sa “iskolar ng bayan” ay napakaraming magagandang feedbacks mula dito.
Nasisiyahan talaga akong isipin ang mga naganap sa akin sa nakaraan. Naalala ko noong unang araw nga ng klase namin noong hayskul ay napagkamalan pa akong teacher sa gayak ko. (Well, formal kase ang suot ko compared sa iba at may katangkaran din ako noh! Nakasalamin nga din pala ako noon! Dahil nag-uumpisa ng lumabo ang aking mata.) Pero siyempre taas noo akong naglakad papaunta sa aking magiging classroom pagkatapos noon. (hMmmp!) Doon naman sa aking classroom, ang mga adik kong mga classmates ay ayaw akong lapitan. (adik talaga.. hehehhh… joke!) Alam niyo kung bakit? Kasi daw sa sobrang puti ko at tangkad, napagkamalan daw nila akong amerikana. (Hahahh... mga pasaway talaga!) Baka day englishin ko sila at mabulol- bulol pa raw sila sa pagsagot sakin sa English. (Hahahh... tawa talaga ko ng tawa pag naaalala ko ito!) Peo buti nalang ay may naglakas ng loob na kumausap sa ‘kin ng mga panahong iyon. (swerti!)
Naalala ko rin ang Campus Journalism. Dahil sa mga pressconferences nito, nakapunta ako sa iba’t- ibang sulok ng Laguna at maging ang CALABARZON. Marami rin akong nakilalang mga bagong kaibigan, kalaban sa mga kompetisyon at mga kapwa lider. Siyempre, pinakita ko lang kung sino talaga ako! At nagustuhan naman nila ang pagiging natural ko. Kala ko talaga ay ang kukunin kong kurso sa kolehiyo ay BA Journalism subalit may hiningi akong sign. Kapag hindi ako nakapasok sa Regional Press Conference noong fourth year, hindi talaga para sa akin ang journalism. Sa kasamaang palad, hindi ko nga ako nakapasok ditto kaya’t sinunod ko ang sign.
Natatandaan ko rin na sa mga kompetisyon sa klase (sa ranking ng honors) madalas ako napapaiyak. (Ewan ko nga ba sa sarili ko, ACADS lang yata talaga ang nagpapaiyak sa akin!) Siyempre naaapektuhan kasi ang aming pagkakaibigan pag acads na ang usapan. Sabi nga, pag ganitong kaseryoso na ang usapan, wala ng kaibi-kaibigan. Pero tulad rin nga king inaasahan, ito ay hamon lang sa amin. At swerte namin dahil hindi kami nagpaapekto. (Friends forever! Hehehh…) Hinandog ko ang aking Valedictory Speech sa kanila siyempre at higit sa lahat ay sa aking mga magulang. (Hehehhh… pero hindi naman ako naiyak doon! O kahit sila, kasi mas nais naming maghiwa-hiwalay na masaya kesa naman sa masyadong madrama!)
Isa pa. Sa UP Los Baños nga pala ako nag-exam at doon ko din talaga binalak pumasok. (Hello? Mas malapit kaya sa Cabuyao! Eheheh…) Subalit tadhana ang nagdala sa skin sa Diliman. (whOoo!! Ang drama! Pero yoon ang katotohan…) Sabi nila baka daw mataas ang nakuha kong GWA kaya’t nandito ako ngayon. (Ewan? Mas naniniwala talaga ako sa tadhana eh! Wahahahhh…) Malay ko ba kung talagang dito nais ng Panginoon na dalhin ako. Naalala ko hindi nga rin pala hindi ako nagtake ng entrance exam sa ibang eskwelahang kasing taas ng UP (opo… ung “others”… hehehh… ) Kaya’t heto ako ngayon, dinala ng swerte at pagsisikap ko sa kolehiyong dati’y pangarap ko lang….
KABANATA 7: Iska at Oble
Isang malaking oportunidad ang pagkapasa ko sa UPCAT. Ngayon ay labing anim na taong gulang na ako. Muli, hindi nagpapadaig sa mga hamong dumadating sa aking buhay.
Degree Program with Available Slot (DPWS). Yan ang nakalagay sa internet at sa official list ng UPCAT passers. Ibig sabihin lamang ay kailangan pa niyang makahanap ng kursong tatanggap sa akin. Hindi ito madali sa umpisa subalit ang mahalaga ay UPCAT passer ako. Isa pa nga palang nakakawindang na pangyayari ay hindi dumating ang sulat mula sa UP Diliman na nagpapatunay na ako’y nakapasa sa UPCAT. (opo, ung official mail…) Kinilala lang ako ng aking paaralan sa hayskul na nakapasa dito pagkatapos matanggap ang sulat mula sa UP na para sa aming principal. (grabe di ba?) Matapos malaman ito ay sinadya ko na talaga at ng aking mama na pumunta sa UP Diliman upang magtanong nga mga kailangang gawin.
Heto na, kailangan ng pumili ng kursong aking papasukan. Naalala ko, BAA at BS Math ang first and second choice ko sa UPCAT form. Subalit sa kasamaang palad ay parehas ko itong hindi nakuha. Nang pasulatin ako sa registrar kung anong nais kong kursong kunin nagbakasakali ako at sinulat muli bilang first choice ang BS Math, kasunod ang BA Journalism at Comsci. Nang ilabas na ang resulta, tunay kong ikinagalak ang kursong aking nakuha – BS Mathematics. (Mukhang nakulitan yata sila sa akin kaya’t ipinaubaya ang kursong ito.) Tuwing naiisip ko iyan, parang pinagsisisihan ko ng kinulit ko sila. (Hehehhh.. mejo… pramis….) Hindi ganoong kadali ang kursong ito. Math. Oo. Siyempre. Puro Math. Kung sa iba ay ito ang pinakakinaaayawan nilang subject, well para sa akin ito ang favorite ko. (Kahit pinahihirapan niya ako ngayon!) Mahal na mahal ko mula pa noong elementarya ang Math. Nachachallenge talaga ako pag may mga numero akong nakikita. Subalit…. (Shocks! Karma ko na ata ito sa mga kasalanan ko! Hehehh.. joke! Ewan…) hindi yata ako mahal ng Math! (huhuhh… Pero Mahal na mahal ko talaga ang math.. pramis!) Hanggang ngayon, magulo pa rin ang utak ko kung magshishift or matratransfer ako.
Tama. Pinagtratransfer ako ng mga tao sa paligid ko. Kailangan raw maging praktikal ngayong mga panahong tulad nito. Nais nila akong mag-Nursing na lamang sa PLM (Pamantasan ng Lungsod ng Maynila). Katulad ng aking inaasahan, maraming kaibigan ko sa peyups ang kumokontra dito. Karangalan raw ang mapunta ko sa UP kaya’t dapat ay hindi ito pinapalagpas. Nandito na raw ako sa UP kaya’t dapat ay hindi na ako magtransfer sa “others”. (hehehh… natawa ako dito!) Subalit siyempre, nasa akin pa rin ang desisyon. Buhay ko ito eh! Tsaka sa tingin ko ay nasa tamang pag-iisip na ako upang magdesisyon sa ganitong kakomplikadong bagay. At nais kong hindi na gawin pang muli ang pagkakamali ko sa nakaraan, ng pakawalan ko ang aking pangarap na paaralan. Haay… ewan. Muling gumugulo ang aking isipan kapag nabubuksan ang topic na ito. Marami kasing mga bagay ang maaaring maapektuhan ng desisyon ko. Masasabi ko lang ngayon, ayaw ko munang pag-isipan ito. (hehehh.. praning na nga ako, mas maprapraning pa ako! Joke! Hahahhh…)
SA MGA SUSUNOD PANG KABANATA: Magpakatatag ka Dilag!
Ako’y isang dilag ng makabagong panahon, sumusunod sa agos ng buhay at pinipilit sumabay sa pakiwal-kiwal nitong daan na puno ng mga hadlang. Patuloy akong lalaban sa mga nais magpadaig sa akin; patuloy ring hahagilapin ang liwanag sa bawat kadiliman. Ano man ang nakaabang sa aking kinabuksan ay matatag kong haharapin at pagtatagumpayan – iyan ang aking tanging pangako sa aking damdamin at isipan!
Sana ay nagustuhan ninyo ang aking handog na talambuhay. (Kahit mejo rush, dahil na nga rin po ay nagkasakit ako). Hindi man ako sigurado kung kapupulutan ito ng napakaraming aral (na dapat lamang! Hehehh) subalit sana naman ay napangiti ko naman kayo at naisip niyong kakaiba rin pala tong si Cherry! Hahahh…
Salamat sa oras na inyong nilaan sa pagbabasa. =)